Sunday, February 19, 2012

LIHAM ni ANAK kay ITAY

Ika-19 ng Pebrero, taong 2012.

Ang liham na ito ay tugon sa pangungumusta ninyo. Wala pa akong pakialam sa ngayon kung ano ang mararamdaman nyo, hihintayin ko na lang siguro ang sagot ninyo sa nararamdaman ko.

Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ngayong naging madali na para sa atin na tayo ay magkausap. Maraming pwedeng maramdaman at sabihin, tingin ko ganun naman talaga, pero sa dami ay ‘di alam kung alin ang mauuna.

Nauna akong hanapin ni tito, tito ko nga ba yon? At nahanap nya ako. Naisip ko, kung nakita nya ako, posibleng sa pamamagitan nya makita din kita. Gawa ng malikot na isip, isang araw, o marahil marami pang araw, sinubukan kong hanapin ka. Di ako nagkamali, at madali kitang nakita.

Unang beses na nakita kita ay napahinto na ako. Ang nasa isip ko noon ay “Napakaliit lang talaga ng mundo.” Totoo naman, pero hindi ko inaasahan na magiging ganito kabilis lahat.

Kinakausap ako ni tito, masyadong maingay. Sinisigurado kung ako nga ang inyong “anak.” Wala akong ibinalik na salita sa kanya, o kahit anupamang palatandaan ng aking pagsagot. Ayoko munang magsalita, masyadong maingay.

Nagsunod-sunod ang mga maiikli nyang mensahe, di ako kumibo..

Malapit na akong matapos sa kurso ko ngayon, at may plano na talaga akong hanapin ka. Pero hindi ko inaasahan na mas gusto nyo ang mas maaga. Medyo nagulat ako, ngayon nabigla ako at medyo napahinto.

Ikaw naman ang nagmensahe sa akin, ang lakas ng loob nyo. Wala naman akong naramdamang galit o tuwa, nangibabaw lang sa akin ang katotohanang “isang ama ang nangungumusta sa kanyang matagal nang iniwang anak at asawa.” Medyo masarap sa pakiramdam, medyo lang naman..

Masyadong mabilis at maingay, ayaw ko munang ipaalam sa mga taong nakakulong ngayon bakod ng pag-aaway-away at pagkasakim. Nasa loob nun ang inay ko, at pilit ko silang inilalayo sa bakod na iyon, kahit sa pamamagitan lang ng mga nakakatuwang kwento-kwento ko ay gumagaan ang mga loob ni inay, lola, at ng iba kong matinong kamag-anak.

Kailangan ng tamang panahon, hindi ito ang araw na yon. Pero dadating rin ang panahong yon, marahil handa na akong magkwento sa kanila, bago kita tuluyang kausapin na direkta. Medyo lumalim din kasi ang sugat na iniwan nyo kay inay sa paglipas ng panahon, sa pagkakaalam na naghahanap ako ng itay. Sinabi ko rin naman ang interes ko na magkita tayo, pero wala sa loob kong mangyayari ito ngayon.

Ako na lang ang magsasabi sa iyo nang personal, wag ka munang magparamdam sa bahay, pakiusap. Hintayin mong ikundisyon ko lahat para madali ka namin maintindihan kapag nagsimula ka nang magpaliwanag. Siguro naman hindi lang ako ang gusto mong kausapin,at hindi ako papayag na ganun lang ang mangyari. Dahil ang kasalanan mo sa akin ay kasinglaki ng kasalanan mo kay inay, dapat pareho mo kaming makumbinsi sa iyong pagdadahilan.

Emosyonal ako, manang-mana sa nanay. Sa pagsulat ko nito, naiyak din ako. Pero nitong bandang hulihan na, medyo natahan na ako at ngumingiti. Ang masasabi ko lang siguro sa una ninyong mensahe ay “Ayos pa rin. Eh kayo okay naman kayo?”

Maraming nasasayang sa paglipas ng panahon, pero marami ang kaloobang tumitibay. Masakit masugatan sa isang panig kung saan ka na unang nasugatan, mas mainam magamot habang sariwa pa kaysa maging manhid na.

Kung manghihingi ka ng ideya sa akin kung paano ka mag-uumpisa, wala din akong alam. Bata pa rin naman ako nang magkahiwalay kayo. Alam ko panig ako kay inay sa mga kwento nya tungkol sa inyo, pero bilang anak, gusto ko ring marinig ang panig mo.

Isa akong makata ng modernong panahon, isang aktor sa entabladong tinutungtungan nyo din ngayon. Marahil sa mga susunod nyong pangungumusta ay sumagot na ako, umaasa lang akong katotohanan ang makikita at maririnig ko sa inyo. Dahil pagpapanggap ang maibabalik ko kapag wala akong nakitang balido at totoo.

Ayos naman ang buhay namin. Sana ayos din ang sa inyo. Sa liit ng mundong ito, posible pa rin namang magkasalubong ang buhay na ginagalawan natin pareho. Kahit magkasalubong lang siguro, wag lang magbanggaan at baka may maaksidente.

Pakiintindihin nyo na lang ang liham kong ito, hindi ko kayang magsulat na direkta ang pinupunto.

Ang huling mensahe ko lang ay..

Ito ang naramdaman ko isang araw lang ang lumipas pagkatanggap ng mensahe nyo. Hayaan nyo muna akong ihanda si inay kung sya naman ang kukumustahin nyo na direkta. Ihahanda ko sya para magkausap kayo, na kayo talaga. Hindi ako papayag na hindi kayo mag-usap.

Salamat din at nagparamdam ka. Salamat kay tito at napag-ugnay nya tayo. Salamat sa teknolohiya ngayon na nagpadali sa muling pagkukumustahan. Darating ang panahon, pero hindi pa ngayon, na magkikita-kita tayo nang harapan. Hanggang dito na muna siguro. Mamuhay ka sa buhay mo ngayon, mamumuhay din kami sa alam naming buhay namin ngayon. Hanggang sa susunod na liham, hindi pa ito ang huling paalam.

At bago magpaalam, sinasabi kong bukas ako sa mga sasabihin mo, at tatawagin kita sa katagang nararapat sabihin ng anak sa magulang. Sa atin muna, ha Itay? Paalam muna, hihintayin ko ang sagot mo…

Mula sa isang nagmamahal na anak,

Pangalan: BLAINER

Gitnang Pangalan: ________

Apelyido: ABANDO