Sunday, December 13, 2009

Tunay na Himlayan

Tanong sa sarili mo'y ba't kailangan pang mabuhay
Kung panandalian lamang at bigla ring mamamatay?
Ano ang kahalagahan, katuturan mo sa mundo?
Bakit ka naririto? Sana ay nalalaman mo...


Maaga mang mamatay basta't tungkuli'y nagampanan
Kaysa magtagal sa mundo nang wala mang kabuluhan.
Kailangan bang pumanaw, ano kaya ang dahilan?
Kalayaan ba'y makamtan sa sariling kamatayan?...

Mali na naman?

Minsan nasasabi ko na lang na nagkakamali talaga ang lahat, at walang makakaiwas magkamali, at maiisip lang lahat pagdating sa panahon ng sisihan...

Ang bawat indibidwal ay nagkakaroon ng kasalanan, sino'ng hindi? Sa isipan man, sa wika man o o sa ginagawa, maging sa ating pagkukulang, tayo ay may pagkakataong magkamali. Sa bahay man, sa eskwela o sa mga kaibigan, talagang hindi maiiwasan.. Paano ba magkamali? Sino ba ang tama para masabing tayo ay mali?

Nagkakamali ka para sa iba depende kung ano ang tama para sa kanila. Pagkukulang naman kung para sa iyo ay may nagawa kang hindi tama. Mahirap kapag nagkamali ka sa iba dahil wala ka nang maidadahilan lalo sa taong ineeksaherado ang pagkakamali mo, 'yun tipong nilalagom nang mali ang buo mong pagkatao. Dito eh mabuti na ang hindi na magsalita pa, sa halip ay tanggapin pa ang sermon nila. Masklap kung para sa iyo eh mali ka dahil dala ito ng iyong konsens'ya, parang may kulang sa iyo na dapat magawa. Pagsapit matanto ng iba na nagkamali ka nga,mahirap na, magnilay na lang muna mag-isa.

Kasalanan ang anumang ginawa ng wala sa kawastuhan, kasalanan din ang walang ginawa o 'di nag-isip ng paraan. Lahat ng kasalanan ay mali, lalo kung may nadadamay, nahihirapan o nasasaktan. Ngunit 'di masasabing 'di kasalanan ang wala ng gagawin: para ba tumakas sa responsibilidad? para ba umiwas sa panghuhusga ng tao? para ba maging ligtas sa pagkakamali? Walang magagawa angmagpahing lamang, kaya't maituturing din itong kasalanan.

Mahigpit at malupit, gan'yan ang dulot ng paghahambing natin ng kasalanan sa kamalian. wala tayong takas sa dalawang ito. At kung magagawa man natin, wala ring magagawa ang simpleng paghingi ng tawad. Tayong lahat ay nangangarap mabuhay sa kawastuhan, isipin din nating lahat tayo ay may pinahahalagahang kapakanan. Bumawi tayo sa nagawan natin ng kasalanan o kamalian.

Buhay at Kasaysayan


Buhay- pagsubok, hamon ng pananatili at paninindigan, walang pagkakataon para tumakas. Ito ang realidad na kailangang harapin, sikaping idaos sa kahit anong paraan, maging marahas ngunit bigyang-panahon ang pagbibigay-kasiyahan sa sarili
Kasaysayan- pinanggalingan, ang dahilan ng pananatili dito sa buhay, ang batayan ng mga solusyon at desisyon na binigyang-linaw ng mga pagkakamali ng nakaraan; ang sanhi ng mga bagay na nagaganap sa kasalukuyan

*Kasaysayan ang buhay. Walang tao o bagay na nananatili kung wala itong pinanggalingan, buhay (hindi patay) sapagkat ito ang ating pinagdaanan at dating pamumuhay na ngayon ay ipinagpapatuloy pa rin natin.
*Buhay ang kasaysayan. Matagal nang namumuhay ang tao sa mundo; hindi konkreto ang pinagmulan, ngunit lahat man ng teorya ay maraming pinagdaanan. Ang buhay ninuman ay maaaring tumatak (na kasangkapang tutularan kung mabuti man, o iiwasan kung masama) sa kasaysayan upang gawin ang sariling kapalaran.